Showing posts with label Filipino sa Unang Baitang. Show all posts
Showing posts with label Filipino sa Unang Baitang. Show all posts

Pagbasa: Sa May Ilog

   
     

        Isang Linggo, masayang kumain sina Jenny, Luisa at Dindo sa tabing ilog. Pagkaraan ng isang oras, nais na nilang umuwi. 

        Kinuha nila ang kanilang mga gamit. 

        "Huwag natin iwan ang mga kalat natin dito, " ang sabi ni Jenny. 

        "May tagalinis naman dito. Pabayaan na lang natin. Kailangan na natin umalis agad, " ang sabi ni Dindo.

        "Hindi ba mas mabuti na tayo na lang ang pumulot ng mga kalat natin? Hindi lang tayo nakatutulong sa tagalinis kundi pati sa kalikasan."

        "Jenny. Tingnan mo sila. Nililigpit din ang mga kalat nila," sabi ni Luisa.

        Nakita din ni Dindo ang ibang tao na naglilinis ng kalat nila. Nais din nila mapanatili ang ganda ng paligid malapit sa ilog.

        "Tulung-tulong tayo sa pagpapanatili ng kalinisan at kagandahan ng ating kapaligiran. Kung kaya naman natin, tayo na ang gumawa, " sabi  ni Jenny.

        Pagkatapos nilang magligpit, tumingin muli si Dindo sa paligid at ngumiti. 


Sagutin ang mga tanong. 

  1. Sinu-sino ang mga bata sa kwento?
  2. Saan sila nag-piknik?
  3. Ano ang sinabi ni Jenny habang nagligpit sila ng kanilang mga gamit?
  4. Ano ang sagot ni Dindo kay Jenny?
  5. Sumasang-ayon ka ba kay Dindo? Bakit?
  6. Ano ang ginawa ng ibang mga tao na nagpiknik din sa may ilog?
  7. Kung ikaw si Jenny, gagawin mo ba ang ginawa niya?
  8. Kung ikaw si Dindo, ano ang gagawin mo?
  9. Anu-ano ang ibat' ibang paraan upang mapanatili ang kalinisan sa ating kapaligiran?
  10. Bakit kailangan nating mapanatili ang kalinisan sa ating kapaligiran?

Mga Salitang Kilos o Pandiwa


Basahin ang mga pangungusap. 



Ang mga bata ay kumakanta. 




Ang mga ibon ay lumilipad. 





Sumisikat ang araw sa silangan. 


Ano ang ginagawa ng mga bata?

Ano ang ginagawa ng mga ibon?

Ano ang nangyayari sa araw?


Ang mga salitang kumakanta, lumilipad, at sumisikat ay mga salitang-kilos o pandiwa

Ang pandiwa ay isang salita na tumutukoy sa kilos ng isang tao, hayop, o bagay

 Halimbawa:

     Ang mga bata ay naglalaro sa palaruan. 

     Kumain kami ng agahan sa restawran. 

     Ang tubig ay dumadaloy papuntang dagat. 


Matutukoy mo ba ang mga salitang kilos sa mga pangungusap sa itaas?

Ang mga salitang kilos ay naglalaro, kumain, dumadaloy. 



Mga halimbawa ng mga salitang kilos:

nagsusulat

nagbabasa

kumakanta

nagbibilang

umaakyat

natutulog

nagluluto

naglilinis

tumatahol

nagtatanim





Ang mga larawan sa post na ito ay makikita sa openclipart.org

Pagbasa sa Unang Baitang: Ang Kaarawan ni Nimfa

Mga  layunin: Natutukoy ang mga detalye ng kuwentong binasa.
                     Naisasaayos ang mga ang mga pangyayari sa kuwento.






          Bumisita sina Tita Rita, Tito Ricky, at kanilang mga anak  na sina Miya at Ben noong Disyembre.  Galing sila sa  probinsya. Dumating sila upang ipagdiwang ang kaarawan ni Nimfa. Tuwang-tuwa ang kanyang nanay at tatay na makita sila. 

          Sa umaga, pumunta muna sila sa simbahan upang magdasal.  Nagpasalamat si Nimfa sa Diyos sa mga biyaya. 

          Pagkatapos nilang magsimba,  namasyal sila  sa  mall. Naglaro si Nimfa at ang kanyang mga pinsan sa trampolin kasama ang ibang mga bata na naging kaibigan nila.


         Sa tanghali, umuwi sila ng bahay. Naghanda si nanay ng keyk at iba't ibang masasarap na pagkain ang inihanda. Sama-sama silang nagtanghalian. Napakasaya ni Nimfa sa kanyang kaarawan!

Panuto: A. Sagutin ang bawat tanong. Isulat ang iyong sagot sa patlang. 

1. Sinu-sino ang bumisita noong Disyembre?

2. Bakit sila dumating?

3. Saan naglaro si Nimfa at ang kanyang mga pinsan?

4. Saan sila kumain?

5. Bakit napakasaya ni Nimfa sa kanyang kaarawan?

Panuto: Ayusin ang pagkasunud-sunod  ng mga pangyayari ayon sa kwento.

____  Nagtanghalian sila sa bahay.

____  Naglaro si Nimfa,Miya, at Ben sa trampolin.

____  Dumating sina Tito at tita kasama ang mga pinsan ni Nimfa.

____  Nagsimba sila upang magdasal.

____  Napakasaya ni Nimfa sa araw ng kanyang kaarawan.

Mga Pang-ukol





Ang pang-ukol ay isang salita o mga salita na nag-uugnay sa isang pangngalan o panghalip sa ibang salita sa pangungusap. 

Ang mga pang-ukol na gagamitin sa aralin na ito ay ang mga sumusunod:


ni    
nina
kay
kina
para sa  
para kay
ayon sa  
ayon kay
ukol sa   
ukol kay

Tinutukoy ng mga salitang ito kung kanino o para kanino ang isang bagay,kanino galing ang isang impormasyon, o tungkol saan ang isang bagay.

Nahahati sa dalawang grupo ang mga pang-ukol. 

Mga pang-ukol na ginagamit para sa mga pangngalang pambalana na tumutukoy sa lahat ng uri ng pangngalan, at pangngalang pantangi na tumutukoy sa  lugar, bagay, o pangyayari:

para sa     ukol sa       ayon sa

Halimbawa: 

Ang damit ay para sa bata. 

Ang kwento ay ukol sa Lungsod ng Marikina. 

Ayon sa bata, gagawin niya ang takdang-aralin pagkatapos ng hapunan.

Mga pang-ukol na ginagamit para sa mga pangngalang pantangi ng pangngalang panlalaki o pambabae.

Isahan-  ni, kay, para kay, ukol kay, ayon kay    

Maramihan- nina, kina, para kina,  ukol kina,  ayon kina

Halimbawa:

Kinuha ni Tanya ang mga aklat sa bag. 

Dinalhan nina Tony at Alma ng pasalubong si Lola Ising. 

Ang tsokolate ay para kay Noel. 

Ang sinulat niyang kuwento ay ukol kay Andres Bonifacio. 

Ayon kina  Rose at Shiela, nasa Maynila si Pedro. 



Pagsasanay

Panuto: Bilugan ang tamang pang-ukol na kukumpleto sa pangungusap.

1.  Ang paghalik ng kamay ay tanda ng pagmamahal (para sa, para kay) mga magulang.

2. Ang mga mangga ay ( para kay, para kina) Claire.

3.  Ang regalo na ito ay (kay, kina) Dina at Mina.

5. Ang sulat ni Maria ay (ukol sa, ukol kay) kaarawan ni Nilo. 

6. (Ayon sa, Ayon kay) doktor, kailangan ka magpahinga ng limang araw dahil ikaw ay may lagnat.

7. Binilhan (ni, nina) Ninang Lourdes si Clarence ng bagong laruan.

8. Ang kwentong nabasa ko ay (ukol sa, ukol kay) isang prinsesa.

9. (Para kay, Para kina) Abby at Cathy ang mga sapatos na ito.

10.  Ginawan (ni, nina) Nita si Louise ng eroplanong papel.

Paano Ginagamit ang "Ang", "Ang Mga", "Si", at "Sina"?


                                            


Sa pagtukoy ng mga ngalan ng tao, hayop, bagay, at pook, ginagamit ang "ang"at "ang mga".

Paano ginagamit ang "ang"?

Ginagamit ito kung ang tinutukoy na pangngalan ay iisa. 

Paano ginagamit ang "ang mga"?

Ginagamit ito kung ang tinutukoy na mga pangngalan ay dalawa o higit pa. 


Sa pagtukoy ng ngalan ng tao, ginagamit ang "si" at "sina"


Basahin at unawain ang mga sumusunod:


Paano ginagamit ang "si"?

Ginagamit ito kung ang tinutukoy na pangngalan ay iisa. 

Paano ginagamit ang "sina"?

Ginagamit ito kung ang tinutukoy na mga pangngalan ay dalawa o higit pa. 


Mga Pagsasanay

I. Bilugan ang tamang sagot



II. Isulat ang tamang sagot sa patlang. 

1.    ______ bata ay namamasyal sa parke. 
2.    ______ Lina, Sam, at Jerry ay mamalengke mamaya. 
3.    Masarap  ______ luto ni nanay. 
4.    ______ Carlos ay nag-aaral nang mabuti. 
5.    ______ kumpanya ay nagbebenta ng mga cellphones. 
6.    Magkakapatid ________ Vina at Vilma.
7.    ______ Michael, Gabby, at Mario ay mga kaibigan ni Sam. 
8.    Nasa basket _______ bola. 
9.    ______ aklat ay iniligay ni Martha sa bag. 
10. Tahimik ______ aming lugar. 


Ang Alpabetong Filipino




Alpabetong Pilipino

A   B   C   D   E   F   G   H
I   J   K   L   M   N   Ã‘   NG
O   P   Q   R   S   T   U
V   W   X   Y  Z

a   b   c   d   e   f   g   h
i   j   k   l   m   n   Ã±   ng
o   p   q   r   s   t   u
v   w   x   y  z


Mga Katinig

B   C   D   F   G   H   J   K   L  
M   N   Ã‘   NG  P   Q   R   S  
T   V   W   X   Y  Z

b   c   d   f   g   h   j   k   l  
m   n   Ã±   ng  p   q   r   s  
t   v   w   x   y  z
Mga Patinig

A E  I  O  U


a  e  i  o  u



Mga Pagsasanay

I. Isulat ang nawawalang titik. 


  1. _____    Ã‘    NG     _____     P   
  2. A    _____      C         ____        E
  3. q    ____          s            t          _____
  4. ____        W         _____        Y       Z
  5.  ____   j   k   l   ____   n

II. Isulat kung ang simulang titik ay isang patinig o katinig. 

_______________ 1. aso

_______________ 2. damit

_______________ 3. upo

_______________ 4. kalesa

_______________ 5. orasan

_______________ 6. zoo

_______________ 7. xylophone

_______________ 8. ilaw

_______________ 9. elepante

_______________ 10. ampalaya

_______________ 11. cellphone

_______________ 12. oso

_______________ 13. bundok

_______________ 14. watawat

_______________ 15. itlog

Mga Pagsasanay sa Pagpapakilala sa Sarili






Ang pagpapakilala sa sarili ay isa sa mga pinakamahalagang kakayahan na dapat matutunan ng isang bata.  


Mga karaniwang tanong sa pagpapakilala sa sarili 

Anong pangalan mo?
Ilang taon ka na?
Saan ka nakatira?
Sinu-sino ang mga magulang mo?
Saan ka nag-aaral?
Ano ang pangalan ng paaralan mo?
Sino ang iyong guro?
Nasa anong baitang ka na?


Mga Pagsasanay

   Gawain

Palabunutan

   Kagamitan: 

     isang maliit na kahon o lalagyan,  mga tanong na nakasulat sa mahahabang piraso na papel, 

     Gupitin ang mga mahahabang piraso ng papel at itupi ang bawat isa at ilagay sa maliit na kahon.



Sa gawaing ito, maaaring dalawang bata ang maghalinhinan sa pagsagot ng mga tanong. 

1.      Bubunot ang unang bata ng isang papel. 
2.      Babasahin niya ang tanong sa ikalawang bata na sasagot sa tanong. 
3.      Pagkatapos sagutin ng ikalawang bata ang tanong, bubunot siya ng tanong sa kahon at babasahin ito sa unang bata. 
4.      Maghalinhinan ang dalawang bata sa pagsagot hanggang masagot nila ang lahat ng tanong. 


  Graphic Organizer

Panuto: Idikit sa gitnang bilog ang iyong larawan. Isulat ang bawat detalye tungkol sa iyong sarili sa bawat bilog na nakapalibot sa iyong larawan.




  

  Worksheets

A. Sagutin ang bawat tanong. Isulat ang iyong sagot sa patlang. 

Anong pangalan mo?
_____________________________________________________________
Ilang taon ka na?
_____________________________________________________________
Saan ka nakatira?
_____________________________________________________________
Sinu-sino ang mga magulang mo?
_____________________________________________________________
Saan ka nag-aaral?
_____________________________________________________________
Nasa anong baitang ka na?
_____________________________________________________________
Sino ang iyong guro?
_____________________________________________________________

B. Panuto:Pagtambalin ang Hanay A sa Hanay B. Isulat ang titik ng iyong sagot sa patlang.

Hanay A

________1.        Anong pangalan mo?
________2.        Ilang taon ka na?
________3.        Saan ka nakatira?
________4.        Sinu-sino ang mga magulang mo?
________5.        Saan ka nag-aaral?
________6.        Nasa anong baitang ka na?
________7.        Sino ang iyong guro

Hanay B

a.    Ako si Liway Cruz.
b.    Ako ay 6 na taong gulang.
c.    Nakatira ako sa 8 Daang Salvador, Diliman,  Lungsod ng Quezon.
d.    Sina Norma at Rico Cruz ang mga magulang ko.
e.    Sa Mababang Paaralan ng Lapu-Lapu ako nag-aaral.
f.      Ako ay nasa unang baitang.
g.    Si Gng. Ana Santos ang aking guro.

B. Kumpletuhin ang bawat pangungusap.
1. Ako si ________________________________________________________________.
2. Ako ay ________ taong gulang.
3. Ang aking mga magulang ay sina ___________________________________
_______________________________________________________________.
4. Sa _______________________________________________ ako nag-aaral.
5. Ako ay nasa _______________________.


Maaaring i-download ang mga PDF Files ng mga pagsasanay.

I-click lang po ito:
Mga Pagsasanay sa Pagpapakilala sa Sarili




Mga Batayan: 




     Batac, Leticia B. and Nida A. Cruz.Daluyan Batayan at Sanayang Aklat sa Wika at Pagbasa Filipino. Quezon City:Rex Bookstore, 2010

Ang Apat na Uri ng Pangungusap



    Kung ang grupo ng pinagsama-samang mga salita ay may mensahe o diwa, tinawawag natin itong pangungusap.

   Ang pangungusap ay may apat ng uri: pasalaysay, patanong, pakiusap o pautos, at padamdam.


Pasalaysay

   Kung ang pangungusap ay naglalarawan o nagku-kwento tungkol sa isa o mga pangngalan, ito ay pangungususap na pasalaysay. Nagtatapos ito sa tuldok (.).

  Halimbawa:

   Ang mga kendi ay nasa ibabaw ng mesa.
   Sina Judy at Benji ay namamasyal sa parke.
   Umulan nang malakas kagabi.

Patanong

   Kung ang pangungusap ay may tinatanong tungkol sa isang bagay. Nagtatapos ito sa tandang pananong (?).

   Halimbawa:

   Nasaan ang mga kendi?
   Sinu-sino ang namamasyal sa parke?
   Kailan umulan nang malakas?


Pakiusap o Pautos

   Kung tayo ay nakikiusap o nagbibigay ng utos sa isang tao upang gawin ang isang bagay, ginagamit natin ang mga pangungusap na pakiusap o pautos. Nagsisimula ito sa isang pandiwa o salitang-kilos at nagtatapos sa tuldok (.).

   Halimbawa:

   Kunin mo ang mga kendi sa mesa.
   Halika na at pumunta na tayo sa parke.
  Pakisara ng bintana dahil umuulan nang malakas.

Padamdam

     Kung ang pangungusap ay nagpapakita ng damdamin, ito ay pangungusap na padamdam. Ginagamit natin ang pangungusap na ito tuwing tayo ay galit, masaya, malungkot, o takot. Nagtatapos ito sa tandang padamdam (!).

   Halimbawa:

   Takbo!
   Aray! Naapakan mo ang paa ko.
  Yehey!

Pagsasanay

Isulat sa patlang ang S kung ang pangungusap ay isang pasalaysay, T kung patanong, U kung pakiusap o pautos, o D kung padamdam.

_____1. Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 7,000 na pulo.
_____2. Kay ganda ng mga hardin!
_____3. Bumili ka ng mangga sa palengke.
_____4. Saan makikita ang pinakamataas na bulkan sa Pilipinas?
_____5. Si Dr. Jose Rizal ang ating pambansang bayani.
_____6. Tulong!
_____7.  Pakiabot ng baso.
_____8.  Kumuha ka ng papel at lapis.
_____9.  Sinu-sino ang maghahatid ng pagkain kay Lola?
_____10. Nagniningning ang mga bituin sa langit.

Pagsasanay sa Pagbasa sa Unang Baitang: Ang Pamilya Lopez



Mga  layunin: Natutukoy ang mga detalye ng kuwentong binasa.
                     Naisasaayos ang mga ang mga pangyayari sa kuwento. 


Ang Pamilya Lopez


         Tuwing Sabado at Linggo,  sama-sama ang mag-anak na Lopez. Naglilinis sila ng bahay tuwing Sabado ng umaga. Sa hapon naman sila ay naglilinis ng bakuran. Sa gabi, sabay-sabay silang nanonood ng programa telebisyon. Tuwing Linggo, pumupunta sila sa simbahan upang magdasal. Kumakain sila sa labas pagdating sa hapon. Sa Linggo ng gabi, sabay-sabay silang tumutugtog ng mga instrumento tulad ng gitara, tambol, at mga trumpeta. Mahalaga ang Sabado at Linggo para sa pamilyang Lopez.

A. Sagutin ang bawat tanong. 

1. Sinu-sino ang sama-sama tuwing Sabado at Linggo?_____________________________________________________

  2. Ano ang ginagawa nila tuwing Sabado ng umaga?
 _____________________________________________________

3. Ano ang ginagawa nila tuwing Sabado ng gabi? _____________________________________________________

4. Anong araw sila nagsisimba?

_____________________________________________________

5. Bakit mahalaga ang Sabado at Linggo para sa pamilyang Lopez?_____________________________________________________

B. Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari ayon sa kuwento. Isulat ang 1,2,3,4,o 5 sa patlang.

_______ Nanonood sila ng programa sa telebisyon.

_______ Naglilinis sila ng bahay.

_______ Nagsisimba sila.

_______ Tumutugtog sila ng mga instrumento.

_______ Kumakain sila sa labas.




Mga Salitang Pangngalan




Ano ang pangngalan?
Ang pangngalan ay ngalan ng tao, hayop, bagay, pook, o pangyayari. 


Mga Halimbawa:

tao
abogado,ate, ale,Ana,  barbero, bata,  kartero, dentista, Dennis, guro, Glenda, inhenyero,  Juan, lolo,  mananahi,  pulis, tatay

hayop
aso,baboy, daga, ibon,  kalabaw, kuneho, langgam, palaka, paniki,  pusa, Tagpi, 

bagay
aklat, bahay, bulaklak, cellphone,  kahon, iPad, Mongol, sapatos, 

pook
bahay, NCCC Mall, hardin, ilog, Laguna de Bay, palayan, paaralan, zoo

pangyayari
kaarawan, Bagong Taon, Pasko, pista


Salungguhitan ang pangngalan o mga pangngalan sa bawat pangungusap. 

  1. Ang mga ibon ay lumilipad. 
  2. Saan nakatira si Norma?
  3. Tagpi, halika rito!
  4. Naputol ang lapis. 
  5. Ibinigay ko sa kanya ang papel. 
  6. Umupo sila sa ilalim ng puno. 
  7. Dumalo kami sa pista ng San Nicholas. 
  8. Si nanay ay bumili ng saging sa palengke. 
  9. Nanonood ng palabas sa telebisyon ang mga bata. 
  10. Ang Pasko ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre. 







Mga Sagot: ibon, Norma, Tagpi, lapis, papel, puno, pista, San Nicholas, nanay, saging, palengke, palabas, telebisyon, bata, Pasko, Disyembre








Pagsunod sa mga Panuto

           Narito ang iilang pagsasanay sa pagsunod sa mga panuto.
           Ang mga kailangang kagamitan ay lapis, papel, pangkulay, at ruler.

A. Gawin ang bawat panuto.


1. Gumuhit ng isang malaking kahon.
2. Gumuhit ng isang bahay sa gitna ng kahon.
3. Gumuhit ng isang kahoy sa bandang kanan ng bahay.
4. Gumuhit ng araw at mga ulap sa ibabaw ng bahay at puno.
5. Kulayan ang larawang ginawa.


B. Sundin ang mga panuto.


1. Gumuhit ng bilog sa gitna ng papel.
2. Isulat ang buo mong pangalan sa loob ng bilog.
3. Salungguhitan ang iyong apelyido.
4. Isulat ang iyong palayaw sa ibaba ng iyong buong pangalan.
5. Kahunan ang iyong palayaw.


C. Sundin ang bawat panuto.


1. Ano ang paborito mong pagkain? Isulat sa patlang.  _________________
2. Bilugan ang salitang tumutukoy sa pangalan ng buwan. Lunes    Linggo   Mayo  Sabado
3. Salungguhitan ang pangalan ng isang bulaklak. rosas  bahay  ilaw   upuan
4. Isulat ang kasunod na bilang. 9 10 11 ____
5.  Anong titik ang kasunod ng titik S? Isulat sa patlang. _________

Ang mga Magagalang na Salita sa Pakikipag-usap




Narito ang iilan sa mga magagalang na salita na ginagamit natin sa pakikipag-usap.

Magandang umaga. 
Magandang tanghali.
Magandang hapon.
Magandang gabi.

Salamat.
Walang anuman. 
Hindi ko sinasadya. 


Maari ba
- Maari bang pahiram ng aklat mo?
- Maari bang samahan mo ako sa palengke?
- Maari bang pumunta sa palaruan ngayon?

po at opo
- Sa inyo po ba itong aklat?
- Opo, Inay. 
- Magandang umaga po. 

paki-
- Pakikuha po ng baso. 
- Pakibigay po ito kay Dennis. 
- Pakiabot po ng kanin. 

Ano ang sasabihin mo?

1. Binigyan ka ng laruan ng ninang mo.
2. Bumisita ang lola mo isang hapon.
3. Tinanong ka ng nanay mo kung nagawa mo na ba ang iyong takdang-aralin.
4. Isang tanghali, kumakain ka sa kantina at dumaan ang iyong guro.
5. Naglalakad ka nang mablilis papuntang silid-aralan, nabangga mo ang isang mag-aaral.



 



Ang mga Lipon ng mga Salita: Parirala o Pangungusap

     Araw-araw, gumagamit tayo ng mga lipon ng mga salita sa pakikipag-usap or pakikipagtalastasan.

     Ang mga lipon ng mga salita ay nahahati sa dalawa: parirala at pangungusap.

     Ano ang parirala?

     Ang parirala ay binubuo ng mga salita ngunit ito ay walang kumpletong mensahe.

Halimbawa: ang mga bibe

     Ang tanong, ano ang sinasabi nito tungkol sa bibe?

    Hindi natin mawari kung ano ang tinutukoy ng pariralang ito tungkol sa bibe.

    Kung ang grupo ng mga salita ay walang buong diwa, ito ay isang parirala.

     Ano ang pangungusap?

     Ang pangungusap ay grupo ng mga salita na buo ang mensahe.

    Halimbawa: Ang mga bibe ay nasa batis. 

     Ang tanong, ano ang sinasabi ng pangungusap tungkol sa bibe? Sila ay nasa batis. 

    Anu-ano ang nasa batis? Ang mga bibe.

    Kung mapapansin ninyo may mga sagot sa dalawang katanungan. Ipinapakita nito na ang pangungusap ay lipon ng mga salita na may buong diwa. 


Mga Pagsasanay

Sabihin kung ang bawat lipon ng mga salita ay parirala ba o pangungusap. 

1. ang mga bata 

2. ang bola 

3. Ang lola ay nagluluto sa kusina. 

4. Si Nida ay namamalengke. 

5. sina Luis at Tanya

6. Naglinis sila ng bahay. 

7. ay mabait

8. gumuguhit sa papel

9. Takbo!

10. Magkano ang isang mansanas?

Ang mga lipon ng mga salita sa mga bilang 1, 2, 5, 7, 8 ay mga parirala. Ang mga pangungusap ay may buong diwa, nagsisimula sa malaking titik, at nagtatapos sa mga bantas na . , ! ?.