Ang Apat na Uri ng Pangungusap



    Kung ang grupo ng pinagsama-samang mga salita ay may mensahe o diwa, tinawawag natin itong pangungusap.

   Ang pangungusap ay may apat ng uri: pasalaysay, patanong, pakiusap o pautos, at padamdam.


Pasalaysay

   Kung ang pangungusap ay naglalarawan o nagku-kwento tungkol sa isa o mga pangngalan, ito ay pangungususap na pasalaysay. Nagtatapos ito sa tuldok (.).

  Halimbawa:

   Ang mga kendi ay nasa ibabaw ng mesa.
   Sina Judy at Benji ay namamasyal sa parke.
   Umulan nang malakas kagabi.

Patanong

   Kung ang pangungusap ay may tinatanong tungkol sa isang bagay. Nagtatapos ito sa tandang pananong (?).

   Halimbawa:

   Nasaan ang mga kendi?
   Sinu-sino ang namamasyal sa parke?
   Kailan umulan nang malakas?


Pakiusap o Pautos

   Kung tayo ay nakikiusap o nagbibigay ng utos sa isang tao upang gawin ang isang bagay, ginagamit natin ang mga pangungusap na pakiusap o pautos. Nagsisimula ito sa isang pandiwa o salitang-kilos at nagtatapos sa tuldok (.).

   Halimbawa:

   Kunin mo ang mga kendi sa mesa.
   Halika na at pumunta na tayo sa parke.
  Pakisara ng bintana dahil umuulan nang malakas.

Padamdam

     Kung ang pangungusap ay nagpapakita ng damdamin, ito ay pangungusap na padamdam. Ginagamit natin ang pangungusap na ito tuwing tayo ay galit, masaya, malungkot, o takot. Nagtatapos ito sa tandang padamdam (!).

   Halimbawa:

   Takbo!
   Aray! Naapakan mo ang paa ko.
  Yehey!

Pagsasanay

Isulat sa patlang ang S kung ang pangungusap ay isang pasalaysay, T kung patanong, U kung pakiusap o pautos, o D kung padamdam.

_____1. Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 7,000 na pulo.
_____2. Kay ganda ng mga hardin!
_____3. Bumili ka ng mangga sa palengke.
_____4. Saan makikita ang pinakamataas na bulkan sa Pilipinas?
_____5. Si Dr. Jose Rizal ang ating pambansang bayani.
_____6. Tulong!
_____7.  Pakiabot ng baso.
_____8.  Kumuha ka ng papel at lapis.
_____9.  Sinu-sino ang maghahatid ng pagkain kay Lola?
_____10. Nagniningning ang mga bituin sa langit.