Ang mga Lipon ng mga Salita: Parirala o Pangungusap

     Araw-araw, gumagamit tayo ng mga lipon ng mga salita sa pakikipag-usap or pakikipagtalastasan.

     Ang mga lipon ng mga salita ay nahahati sa dalawa: parirala at pangungusap.

     Ano ang parirala?

     Ang parirala ay binubuo ng mga salita ngunit ito ay walang kumpletong mensahe.

Halimbawa: ang mga bibe

     Ang tanong, ano ang sinasabi nito tungkol sa bibe?

    Hindi natin mawari kung ano ang tinutukoy ng pariralang ito tungkol sa bibe.

    Kung ang grupo ng mga salita ay walang buong diwa, ito ay isang parirala.

     Ano ang pangungusap?

     Ang pangungusap ay grupo ng mga salita na buo ang mensahe.

    Halimbawa: Ang mga bibe ay nasa batis. 

     Ang tanong, ano ang sinasabi ng pangungusap tungkol sa bibe? Sila ay nasa batis. 

    Anu-ano ang nasa batis? Ang mga bibe.

    Kung mapapansin ninyo may mga sagot sa dalawang katanungan. Ipinapakita nito na ang pangungusap ay lipon ng mga salita na may buong diwa. 


Mga Pagsasanay

Sabihin kung ang bawat lipon ng mga salita ay parirala ba o pangungusap. 

1. ang mga bata 

2. ang bola 

3. Ang lola ay nagluluto sa kusina. 

4. Si Nida ay namamalengke. 

5. sina Luis at Tanya

6. Naglinis sila ng bahay. 

7. ay mabait

8. gumuguhit sa papel

9. Takbo!

10. Magkano ang isang mansanas?

Ang mga lipon ng mga salita sa mga bilang 1, 2, 5, 7, 8 ay mga parirala. Ang mga pangungusap ay may buong diwa, nagsisimula sa malaking titik, at nagtatapos sa mga bantas na . , ! ?.