Ang pangngalan ay ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar o pook, o pangyayari.
Ito ay maaaring uriin sa dalawa: pambalana at pantangi.
Pangngalang Pambalana
Ito ay karaniwan ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar o pook, o pangyayari. Nagsisimula ito sa maliit na titik. Ngunit kung ito ay simula ng pangungusap, nagsisimula ito sa malaking titik.
Halimbawa: bata, lalaki, babae, bahay, lungsod, paaralan, rosas, bansa, kontinente, pera
1. Ang pagkain ay inihain ni nanay.
2. Pagkain at tubig ang kailangan ng mga tao sa evacuation centers.
Pangngalang Pantangi
Ito ay tiyak na ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar o pook, o pangyayari. Nagsisimula ito sa malaking titik.
Halimbawa: Noel, Jonas, Ana, Lungsod ng Cebu, Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Quezon, Pilipinas, Asya
PAGSASANAY
A. Isulat kung ang pangngalan ay pambalana o pantangi.
________________1. Gng. Zamora
________________2. sabon
________________3. Colgate
________________4. damit
________________5. Pasko
________________6. salamin
________________7. papel
________________8. karagatan
________________9. India
________________10. Nescafe
B. Basahin nang mabuti ang pangungusap. Salungguhitan ang isang pangngalan at isulat sa patlang kung ito ay pantangi o pambalana.
____________________1. Masayang-masaya si Noel isang araw ng Sabado.
____________________2. Kasama ang kanyang ama, ina, at dalawang kapatid, mamasyal siya sa Manila Zoo.
____________________3. May nakita silang isang malaking elepante.
____________________4. Nakita rin nila ang iba't ibang uri ng mga ibon tulad ng agila, parrot, at pabo.
____________________5. Pagkatapos nilang makita ang iba't ibang mga hayop, pumunta sila sa isang restawran na malapit sa zoo.